With the President certifying as urgent a bill that would increase the salary of government workers and this another bill which is quite similar to the one sponsored by Sen. Bong Revilla, Rep. France Castro showed her dismay towards this development which practically will not compensate the teachers well with the TRAIN law and yearly inflation rate.
Explanation of NO vote to HB 5712 (Salary Standardization Law of 2019)
Rep. France Castro
ACT Teachers Representatives
Barat, di makatarungan, at kontra-sibilyan. Ito pala ang salary increase na pamaskong handog para sa mga kawani sa pamahalaan kabilang ang halos milyong public school teachers at education sector personnel, matapos silang pangakuan ng ilang ulit na "Teachers, you're next"—pangakong naging "hindi masyadong malaki" nang lumaon.
Barat, lalo na para sa rank-and-file na bumubuo sa mayorya ng civil service. Malayong-malayo ito sa panawagan para sa nakabubuhay na sahod at substantial salary increase: P30,000 para sa mga guro at P16,000 para sa SG 1. Hindi pinakinggan ang malakas na sigaw ng mga kawani sa pamahalaan na disenteng sweldo para sa disenteng buhay. Sino ang pinakinggan? Economic managers at dayuhang consulting firm na binayaran ng milyon (bilyon?) para sabihing dapat ipantay sa barat na pasahod ng private sector ang sweldo sa public sector.
Di makatarungan ang ganitong klaseng umento matapos magpatupad ang administrasyong ito ng TRAIN, rice tarrification, at inflation na nagpasirit sa presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo. Saan aabot ang umentong P16 kada araw para sa utility workers? Anong mabibili ng mga guro sa umentong P52 kada araw? Anong saysay ng pinagyayabang na 30% increase daw kung ginawang 4 installments, na parang pwede ring gawing installment ang gutom ng pamilya?
Kontra ang SSL 5 sa karapatan at interes ng 1.8 milyong sibilyang kawani, sa harap ng mabilis na pagdoble sa sweldo ng militar at pulis. Maaaring chalk at papel lang ang hawak ng mga guro—hindi baril, bala, at kanyon—pero nakasalalay sa kanila ang pag-alaga at paghubog sa kinabukasan ng ating bayan. Walang serbisyo-publikong maihahatid at hindi tatakbo ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Kongresong ito kung hindi dahil sa araw-araw na pagsasakripisyo ng ating mga kawani. Kung gayon, hindi dapat sabihin ng administrasyong ito na buhay ang tinataya ng mga sundalo at pulis, na 24/7 ang kanilang tungkulin kaya iba ang trato ng batas ng pasahod sa kanila. Isa itong malaking insulto at inhustisya para sa mga sibilyang kawani, at pagmamaliit sa pwersa at dedikasyon na inaalay nila para sa kani-kanilang mga tungkulin.
Huwag nating lokohin ang taumbayan sa pagsabing "walang pondo" para sa hinihingi na makabuluhan at makatarungang salary increase dahil bistong-bisto ang mga pondo para sa pork at pasismo, gaya ng nasa 2020 budget na pinalusot kamakailan ng Kongresong ito.
Hindi tinutugunan ng Salary Standardization Law 5 ang karaingan para sa nakabubuhay na sahod. Dahil dito, magpapatuloy ang laban ng mga guro, kawani sa edukasyon, at sampu ng mga kawani sa buong sibilyang burukrasya, kabilang ang kanilang mga progresibong
organisasyon at unyon. At dahil dito, I vote NO to this bill, Mr. Speaker. ##
Source: Act Teachers Party-List (Facebook Page)
Commentaires