Katulad rin ng marami sa mga mamamayang Pilipino, sumubaybay ang mga guro sa talumpati ni Pang. Duterte ngayong ika-apat na SONA. Ang ilan sa amin ay nakiisa pa sa mga pagkilos na ginawa
Masasabing hindi naman nabigo ang mga guro, may banggit naman ang Pangulo tungkol sa matagal na naming hinihinging umento na kanya rin namang ipinangako.
Ayon sa Pangulo, inihahanda na ang umento para sa teachers, pero magiging bahagi lamang ito ng Salary Standardization Law (SSL), o bersiyon niya ng batas na ang orihinal ay nalikha noon pang 1989. Kasali ang lahat ng civilian employees sa batas na ito- nurses, guro at mga kawani ng national government agencies. Habang ang military and uniformed personnel at maging mga kawani ng government financial institutions (gaya ng GSIS) ay may sariling batas ukol sa kanilang sahod.
Magkano naman kaya ang umentong ito? Nagbigay na rin ng pahiwatig ang Pangulo, aniya ay hindi ito kalakihan pero mas mataas nang konti sa nakalipas na increase.
Bagamat wala pang mga detalye, kinikilala natin ang pahayag ng ito ng Pangulo na magtitiyak na mayroong ngang umento na malamang ay sa susunod na taon pa Ibibigay.
Gayunman, ang masakit ay naka-angkla pa rin ito sa SSL at hindi magbibigay ng hiwalay na iskema para sa teachers. Hindi pa rin itatama ang pagkakamaling nagawa ng gobyerno noon pang panahon ni Cory Aquino nang itinali sa pinakamababang puwesto sa mga propesyunal sa gobyerno ang mga guro. Itinuloy ito ng lahat ng nagdaang Pangulo at marahil maging ng kasalukuyang administrasyon.
Nakapanghihinayaang ang pagkakataong ito na dapat sana ay naituwid na ang maling sistema ng pasahod sa ating mga guro. Sapagkat matapos maisabatas ang SSL noong 1989, agad ding sinabi ng Kongreso na may mali sa batas na ito sa isang ulat ng joint education committee noong 1991. Yan ang dahilan kung bakit patuloy ang ating paghingi, hindi lang ng dagdag na sahod kundi ng pagtatama sa ating posisyon o salary grade sa ilalim ng SSL. At yan din ang dahilan kung bakit nabuo ang panawagang P10,000 across the board increase sa mga guro at empleyado ng DepEd.
Muli, kinikilala natin ang pahayag ng Pangulo na pagsasabatas ng umento sa lahat ng kawani nag gobyerno. Gayunman, patuloy nating igigiit na ang sistema ng pasahod sa mga guro ay dapat iwasto.
P10,000 Umento sa mga Guro, Isabatas!
-Teachers' Dignity Coalition (TDC)
July 22, 2019
📷
Comments